History of Basag
       Walang matibay na kahoy sa malakas na hagupit ng bagyo, ulan at iba pang kalupitan ng kalikasan.
Maliit na dahon, payat ngunit matangkad na katawan kung siya’y ilarawan sa aklat man o sa bibig ng
sinuman. Ngunit talo niya ang matitibay at malalaking punong-kahoy sa oras ng kagipitan. Kusa siyang
yumuyuko at sumasabay sa bawat ihip ng hangin mahina o malakas man na para lamang
nakikipagsayawan habang ang langit ay nagsusungit at naninimdim. Hindi siya nakikipagmatigasan kaya
naman siya’y laging natitirang tagumpay sa labanan. Ito ay walang iba kundi ang munting kawayan o
“botong” kung tawagin ng karamihan noon at sa panahon man ngayon.
       Sa halamang ito nagsimula ang pag-usbong ng pangalan ng munting barangay na BASAG. Upang
magamit at mapakinabangan, kailangan muna itong basagin, pukpukin at hulmahin ng buong ingat at
tiyaga kasama ng pagpatak ng pawis at luha. Noong unang mga panahon, nagkalat ang mga tanim na
kawayan sa buong baryo. Sa bawat paglingon at pagtingin mo ay para lang itong mga tumpok-tumpok na
pananim sa isang paraiso na animo’y mga berdeng bulubundukin sa bayan ng Bohol. Sa mga panahong
hindi pa uso at natutuklasan ang paggamit ng semento, bakal at yero, tanging ang munting halaman na ito
ang gamit ng mga mamamayang nakatira dito. Ito ang pangunahing kagamitan sa pagpapagawa ng
kanilang munting tahanang pinupuno ng malalakas na tawanan, pagbibigayan at walang hanggang
pagmamahalan ng bawat kasapi ng pamilya. Sa mga bahay na nabibilang lamang sa mga daliri ng mga
kamay, makikita na halos pare-pareho ang pagkakagawa at materyales na ginamit na walang iba kundi ang
nag-iisang kawayan na sagana at naglipana sa tahimik na pamayanan ng Basag. Magsimula sa bubong ng
bahay, sa dingding at lapag na sinasandalan sa gabi ng pagod na katawan mula sa maghapong
paglilinang ng kabukiran may maihain lang sa hapag-kainan hanggang sa mga muwebles at mga gamit sa
kusina tulad ng baso, kutsara’t tinidor ay gawa sa kawayan. Kamoteng-kahoy, saging, kamote at maging
oraro man, hindi lubos maisip na sa mga kagamitan at kasangkapang yari pa rin sa kawayan ito’y
nakatangan. Ang maliit na halaman na ito na sa iba’y damo lamang na maituturing ngunit hindi naman
matatawaran ang kagalingan at mga pakinabang. Ito ang nagsilbing pananggalang sa sikat ng araw
maging sa lamig ng tag-ulan at upang makaligtas sa mababangis na hayop na noon ay malayang
nakakagala sa paligid lamang.
       Noong una wala pang sariling pagkakakilanlan dala ng ito’y sitio lang ng karatig barangay ng Hererra.
Nang magkaroon ng sariling tinyente de barrio o kapitan sa ngayon na si G. Gavino Olmeda, ito’y naging
isang baryo na rin. Kanyang iminungkahi at idinulog sa kinauukulan na ito ay magkaroon ng sariling katauhan
tulad ng sariling pangalan sa taong 1943. Sa pangunguna niya, ito’y kanilang bininyagan sa pangalang
“BASAG” bilang pagbibigay-pugay sa pangunahing tanim nila sa baryo na kawayan. Basag o “break” sa
English na nangangahulugang proseso kung paano o ano ang ginagawa sa kawayan upang ito’y lubos na
mapakinabangan ng madlang-bayan. Kailangan munang basagin o durugin nang pantay-pantay, dahan-
dahan at buong ingat ng masisinop at mapagpalang mga kamay upang magawang bubong o dingding ng
mga bahay-bahay.
       Sa pagdaan ng panahon, ang tinyente de barrio ay napalitan ng punong-barangay. Dahil dito,
nagkaroon ng mga kagawad ng barangay na pinili sa pamamagitan ng isang simpleng eleksiyong
pambarangay. Dito na nagbukas ang daan ng pagkakaroon ng paaralan dahilan na rin sa unti-unting
pagdami ng populasyon ng lugar. Sa pagpupursige ng pamunuan, lumapit sila sa mga mayayamang may-ari
ng hacienda dito. Sa kasamaang-palad, wala ni isa man ang gustong magbigay ng libreng lupa na
pagpapatayuan ng ikalawang tahanan para sa paghubog sa mga batang may musmos na kaisipan at
matataas na hangarin sa buhay. Mangmang man kung sila ay ituring subalit naging masigasig na makamit
ang kanilang mithiin. Dahil sa usap-usapan at bulong-bulungan, nakarating sa kaalaman ng isa sa mga
unang taong nanirahan dito na si G. Olmeda na kung saan ay buong pusong nagmungkahi na siya ang
magbibigay ng lupang pagtatayuan ng institusyon sa pagkatuto. Subalit sa kanyang pagninilay-nilay sa  
desisyong gagawin, kaniyang  napagdesisyunan na ibenta sa barangay sa halagang isang libong piso na
nang oras na yon ay daang libong piso na ang halaga kung ikukumpara sa halaga ng pera sa ngayon.
Nanghihinayang man dahil kapalit ng halagang iyon, hindi maaaring ipangalan sa kanya ang eskwelahan
tulad sa Mababang Paaralan ng DonTeotimo sa Barangay Nasisi, na naggaling sa pangalan ng taong
nagbigay ng lupa. Sa pagkakataong ito, nangibabaw pa rin ang kanyang pusong-ama sa nakikitang
kasalatan sa pamumuhay ng kanyang pamilya sa lahat ng bagay maliban sa pagmamahalan ng bawat isa,
na kinakailangan niya ng salaping ipantutustos sa pangangailangan ng pamilya sa araw-araw. Kaniya pa
ring isinaalang- alang ang kagustuhan ng mga anak na makapagtapos sa pag-aaral, maipagpatayo ng
maayos na tahanan ang asawa’t mga anak at magkaroon ng salaping bubunutin sa oras ng krisis at
kagipitan.
       Bilang nagsasariling baryo, mayroon itong sariling kapilya ni Sr. San Roque na siyempre ay gawa sa
kawayan at sa dahon ng niyog. Nakatirik ito sa lupang donasyon pa rin ni G. Olmeda. Tuwing buwan ng
Oktubre ipinagdiriwang ang kapistahan. Bago sumapit ang araw na ito, mga tao ay sabay-sabay na
gumagawa ng “sala-sala” (gawa sa dahon ng niyog na parang tinitirintas upang mapagdikit-dikit ang bawat
dahon at bahagi nito) ang makikita sa palibot ng simbahan at ang iba’y dumarating na may bitbit  na nito
upang ipamalit sa luma at butas-butas na bubong ng tahanan ng kanilang mahal na patron. Ngunit isang
araw, may isang hiwagang naganap. Ang unang patron ni Sr. San Roque ay nagpanggap na isang
matandang hukluban at pumunta sa Barangay Baladin, sakop ng Lungsod ng Tabako upang mamalimos ng
“tiklad” (galing sa dahon ng niyog na isang produktong gawa sa kamay) na gagamitin sa pagsasaayos ng
ermita niya bilang paghahanda sa kapistahan ng parokya. Maraming nagbigay ng tiklad sa kanya sa kabila
ng hitsura niya o marahil ay nadala ng kanyang kababaang-loob sa pakikiusap sa mga tao. Nagbilin lang ito
sa drayber ng sasakyan na pinakiusapan din niyang libreng isakay ang kanyang mga hininging tiklad at kung
maaari daw na ibaba ang mga ito sa Barangay Basag sa harap ng kapilya mismo. Hanapin lang daw ang
lugar na may patrong San Roque sapagkat walang ibang lugar doon na ganun ang santo. Isa lang ang ibig
sabihin nito, na si Sr. San Roque mismo ay naghanap din ng paraan upang patuloy na maipagdiwang ang
kanyang kapistahan at upang tulungan ang mga taong patuloy na naniniwala at sumasampalataya sa
kanya sa kabila ng mga kakulangang pinansiyal upang maipatayo Siya ng isang magarang tahanan.
       Magmula noon ay hindi na hinahayaan ng mga residente na sumapit ang araw ng kapistahan na hindi
pa nila naihahanda ang ermita. Naging taunan na ang pagdiriwang ng kapistahan at dinarayo na ito ng iba’
t ibang tao galing sa malalayong lugar. Ang ibang residente dito na pansamantalang umaalis at nangibang-
bayan upang maghanap ng mas magandang kapalaran ay umuuwi sa tuwina. Hindi nila hinahayaang
lumipas ang importanteng araw na iyon na wala sila at hindi makipagsaya sa mga kakabaryong walang
hanggan ang kaligayahan sa pagsamba at pananampalataya sa Kanya. Lumipas ang mga araw,
nagulantang ang buong sangkatauhan at nagdalamhati ang mga taong nakatira sa Basag nang mawala at
nakawin ang orihinal na imahe ng santo.  Idinulog nila ito sa mga kinauukulan, nanawagan at naghanap sa
iba’t ibang karatig lugar ngunit bigo silang matagpuan ito. Ilang taon silang namanglaw sa pagkawala ng
imahen subalit hindi nito natinag ang kanilang pananampalataya kay Sr. San Roque. Sa paglipas ng
panahon, ginawang Agosto ng mga taga-barangay ang pagdiriwang ng kapistahan ni Sr. San Roque.
Marahil ay dala ito ng paglahong parang bula ng kanilang unang imahen ng santo.
       Simpleng mga tao, simpleng pamumuhay at mumunting pangarap - yan ang meron ang bawat
pamilyang nakatira sa Basag. Walang ibang hinahangad sa araw-araw ay mairaos lang  ng may ngiti sa labi
ang buong maghapon sapagkat sa maghapong pagod na naramdaman ay galak ang kapalit sa pag-uwi sa
bahay at mapapapasok ang kanilang mga supling sa paaralan upang matulungang makamit ang kanilang
mga hangarin sa buhay. Kuntento sa pagkaing sariling ani at puno ng sustansiya bunga ng dugo at pawis sa
pagbubungkal ng lupang tigang upang taniman at mapakinabangan. Sa madilim na gabi ay tahimik na
hinihintay ang pagdating ng liwanag ng pag-asa ng panibagong umaga. Salat man sa salapi ang mag-
asawa ay walang bangayang maririnig, bagkus kung paano mapapasaya ang bawat isa, ang sa tuwina’y
bukambibig nila. Walang kapagurang binabagtas ang milya- milyang daan mula sa kabukiran hanggang sa
kabahayan habang kaagapay ang maliwanag na buwan. Ang mga batang paslit ay masayang
nagsasabuyan ng tubig habang naliligo sa ilog na bumabagtas sa kahabaan ng lugar, at damang-dama
ang lamig nito na nagmumula sa walang kapantay sa kagandahan na Bulkang Mayon, wari ba’y nanunuot
sa kanilang laman. Habang sila’y pinagmamasdan ng kanilang magulang na abala sa pagkuskos ng
maruruming damit sa malinaw na ilog na sinasabayan ng magaganda at masasayahang usapan at
tuksuhan. Sa pag-uwi nama’y bitbit ang maliliit na isda tulad ng tilapia, gurami, suso at alimasag na kanyang  
lulutuin at pagsasaluhan sa tanghalian para sa mga anak at asawang naghahanap-buhay.
       Simpleng bagay, kaunting kaligayahan. Ito na ang pamayanan ng Basag kung ilarawan ngayong
panahon. Unti- unting nawawala ang dating naririnig na mga huni ng ibon sa papadilim na maghapon
bagkus tunog ng iba’t ibang uri sasakyan ang tila musika sa kahabaan ng kalsada mula umaga hanggang
gabi. Idagdag mo pa ang ingay na sa tuwi-tuwina ay maririnig mula sa naglalakihang sasakyang pantrabaho
habang patuloy na hinuhukay ang dating tahimik, mababaw at ligtas daanan na ilog. Patuloy sa
paghalukay na wari bang may hinahanap ito sa bawat sulok nito. Ang lupang dati ay ipinagkait na ibigay ng
libre, ngayon ay unti-unting ibinebenta ng bawat may-ari nito upang maging salaping maipantutustos sa
maalwan nilang pamumuhay. Halos lahat ay pagod na ang nararamdaman sa kaunting distansiyang
nilalakad kaya sa bawat labas ay sasakay ng motorsiklo. Bata at matanda ay merong bitbit na telepono sa
tuwi-tuwina, selfie dito, selfie doon ang gawa nila. Unti-unti, natatamasa ang karangyaang hindi nila
natikman noon. Ngunit kapalit nito ay ang dahan-dahang pagkasira ng kalikasan, pagiging malapit sa
kapahamakan at pagkawala ng katahimikan.
Sa kabilang dako, sa larangan ng atensiyong pang kalusugan pati na paanakan gayundin mga nars at
doctor na dito’y naninilbihan. Kaunlaran sa edukasyon malayo-layo na rin ang nararating ng mga kabataang
produkto ng Mababang Paaralan ng Basag. May mga mag-aaral na nagkamit ng matataas na karangalan
pagdating sa sekondarya at marami- rami na rin ang mga nakapagtapos sa kolehiyo na may kursong
inhenyero, arkitekto at mga guro. Sa katunayan isa sa nagtapos na may mataas na karangalan sa
sekundarya at kolehiyo ay apo sa tuhod ni G. Olmeda na siyang nagbigay ng lupa para sa paaralan at
kapilya. Nang ito ay nabatid ng matandang Olmeda siya  ay nagwika: “Binhing itinanim at inalagaan,  
Aanihin ang Kasaganahan.”